Published On: Wed, Jul 4th, 2012

Paglipat ng Senado, sole decision ng mga senador

FILE PHOTO: Ang kasalukuyang lugar ng Senado na nasa GSIS Building sa Pasay City. (UNTV News)

PASAY CITY, Philippines — Kinansela ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pasok ng mga empleyado ng Senado nitong Martes.

Bunsod ito ng matinding pag-ulan na naranasan sa National Capital Region dulot ng low pressure area.

Aminado si Manang Lazarita Elitiong, empleyado ng Senado na mula pa noong 1995 apektado na ang pasok sa mataas na kapulungan ng Kongreso kapag may bagyo o masamang panahon lalo’t binabaha ang mga lugar papuntang Senado.

Kaya naman laking tuwa niya nang mabalitaan ang planong paglipat ng Senado sa Quezon City.

Bukod sa makakaiwas na siya sa baha, malaking kabawasan rin ito sa kanyang pamasahe lalo’t taga-Payatas lamang siya.

“Mabait naman ang senate president namin kasi ayaw nyang mahirapan yung tao na magtawid sa maraming baha… Depende po sa kanila, gusto ng mga senador na magpatayo ng sariling building,” ani Elitiong na isang empleyado ng Senado.

Subalit ayon sa ilang kritiko, dapat naiprayoridad ng administrasyon ang budget para sa relokasyon ng Senado.

Ngunit pagtutuwid ng tagapagsalita ng Palasyo na si Secretary Edwin Lacierda, nasa poder ng mga Senador ang pagpapasya.

‘We will leave that to the Senate, kasi budget yun ng Senate kaya si Senate President at mga kasama niya magde-decide nun.”

Sa kasalukuyan, umaabot sa P110 Million ang taunang upa sa gusali ng GSIS sa Pasay City.

Sang-ayon naman sa panukalang relokasyon si Senador Francis Pangilinan, ito ay kung mas makakatipid sa gastusin ang Senado.

“Ako, kung ano yung makakatipid, kung anu yung mas makakabuti para sa bansa sa expenses, eh suportado natin yan. Pero kung ito ay magiging dagdag pa gastusin at di makakatulong, eh tutol tayo.” (Ito Ang Balita ni Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)