Pagbasa ng Sakdal kay Datu Ulo Ampatuan, Hindi Natuloy
TAGUIG CITY, Philippines — Hindi natuloy ngayong araw ng Miyerkules, Setyembre 5 ang nakatakdang arraignment kay Anwar Sajid Ampatuan alyas Datu Ulo.
Ito ay matapos maghain sa korte ng motion for judicial determination of probable cause ang abugado nito.
Nanindigan ang kampo ng batang Ampatuan na inosente ito sa kaso kaya hindi dapat matuloy ang pagbasa ng sakdal.
“All accused are innocent until proven otherwise,” pahayag ni Atty. Paris Real, ang legal counsel ni Datu Ulo.
Si Datu Ulo ang pang-102 suspek sa malagim na Maguindanao Massacre na naaresto ng mga otoridad nitong nakaraang linggo sa lungsod ng Las Piñas.
Samantala, hindi rin natuloy ang arraignment sa isa pang akusadong pulis na si PO1 Michael Juanitas Madsig at sa halip ay itutuloy na lamang ito sa ibang araw.
Makakasabay nitong babasahan ng sakdal ang isa pang suspek na kinilalang si Jimmy Ampatuan, miyembro ng Civilian Volunteer Organization ng Maguindanao na umano’y nagagamit bilang private army ng mga Ampatuan. (Victor Cosare/Ruth Navales, UNTV News)















Recent Comments