PAG-ASA, Nanawagan sa Publiko na Maghanda sa Mararanasang El Niño Phenomenon

FILE PHOTO: Isang bahagi ilog na nagbibitak-bitak na dahil sa matagal na hindi pagbuhos ng ulan. (PHOTOVILLE International / Rogz Necessito Jr.)
MANILA, Philippines — Pinaghahanda ng PAGASA-DOST ang publiko sa posibleng pagbabago sa temperatura sa buwan ng Oktubre. Ito ay dahil sa napipintong El Niño Phenomenon sa bansa.
Ayon sa ahensiya, karaniwan nang nararanasan ang di pangkaraniwang init ng panahon na nakakasira ng kalikasan at nagdudulot ng sakit sa mga tao.
“Ang El Niño (ay) ang kaganapan sa karagatan na kung saan tumataas ang temperatura ng dagat at (ito) ay nakakaapekto sa sirkulasyon ng hangin. So ang normal na nangyayari na sirkulasyon, naaapektuhan (nito). Kung magkakaroon ng abnormality sa dagat, magkakaroon din sa athmosphere,” paliwanag ni Anthony Joseph Lucero, Senior Weather Specialist ng PAGASA-DOST.
Subalit ayon kay Lucero, hindi dapat ipangamba ng publiko ang pagpasok ng El Niño Phenomenon dahil hindi naman ito magdudulot ng matinding tagtuyot. Ito ay bunsod ng pagpasok ng amihan sa “ber months” ngayong taon. Katunayan aniya, makararanas pa rin ng mga pag-ulan at bagyo ang bansa.
Isang halimbawa aniya ang nangyari noong 2009 kung saan nasa panahon ng El Niño ang bansa subalit sinalanta ng bagyong Ondoy ang ilang bahagi ng Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, kabilang ang Bohol, Siquijor, Negros Occidental, Aklan at ilang bahagi ng Central Visayas sa nakita ng PAGASA na posibleng maapektuhan ng El Niño.
Dahil dito nanawagan ang ahensya sa mga kababayan nating magsasaka na maghanda upang hindi maapektuhan nang husto ang kanilang mga pananim.
“Pinapayuhan ko kayo na makipagugnayan kayo sa inyong mga agricultural officer sa probinsya at sa (Department of Agriculture) na mismo para alam natin (ang) dapat nating gawin. May mga programa po sila diyan,” pahayag ni Lucero.
Hindi pa masabi sa ngayon ng PAGASA-DOST kung magpapatuloy hanggang sa susunod na taon ang El Niño. Gayunman pinaghahanda nito ang publiko sa mga posibleng epekto nito. (Grace Casin/Marje Navarro, UNTV News)














Recent Comments