Published On: Wed, Aug 29th, 2012

“Nawalan po ako ng isang mabuting kaibigan.” – PNoy; Pamilya Robredo, Labis na Nagpasalamat sa Administrasyong Aquino

NAGA CITY, Philippines - Labis labis ang naging pasasalamat ng Pamilya Robredo lalo na nang naiwang asawa nito kay Pangulong Benigno Aquino III at sa miembro ng gabinete sa kanilang pakikiramay at sa paggagawad ng Legion of Honor sa kalihim.

“Mr. President, I know that my husband would have felt deeply touched not only with the award you have bestowed to him today but with what you have done from that time (that) we were still hoping that he was still alive somewhere in Masbate, until we learned that he was indeed gone and up until now when we are about to lay him to rest, is beyond what we expected. If we could hear Jess speak, I know he would be saying, “Sobra-sobra na ito.”  We have felt your care and commitment to Jess in the very personal way that you have been sure that my children and I can grip and not worry about anything. Thank you from the bottom of my heart,” pahayag ni Atty. Leni, maybahay ni Sec. Jesse Robredo.

Nagpapasalamat din ang pamilya sa lahat ng mga taong nakiramay sa kanila simula ng malaman ng publiko na wala na ang kalihim hanggang sa maihatid ito sa kanyang huling hantungan.

Sa eulogy ni Pangulong Aquino, ipinahayag nito ang malaking kawalan ng pagpanaw ni Secretary Robredo.

“Nawalan po ng asawa at ama ang kanyang pamilya. Nawalan po ang bayan ng isang tapat at mahusay na pinuno. Nawalan po ako ng isang kapatid na opisyal na pamilya sa gabinete, ng kasangga sa mga ipinaglalaban, at ng kapatid, at nawalan po ako ng isang mabuting kaibigan,” madamdaming pahayag ng Pangulo.

Ganunpaman, nawala man aniya ang dating kalihim dito sa mundo, mananatili naman ito sa puso at alaala ng bawat Naguenos at ng mga taong nagmamahal dito.

Matapos ang pagbibigay ng parangal ni Pangulong Aquino kay Secretary Jesse Robredo ay dinala na ito sa Imperial Crematory and  Columbary. Nagkaroon  ng departure honors para sa kalihim at kasama ni Pangulong Aquino ang pamilya ng kalihim sa paghahatid sa mga labi nito sa crematorium.

Ganap na ala-1:00 ng hapon dumating sa crematorium ang mga labi ni Secretary Robredo. Sinundan ito ng 19 gun salutes. Nagpaputok din ng kanyon ang Philippine Army bilang pagpupugay sa dating kalihim.

Matapos ito ay nagpalipad ng lobo sa kalangitan na kulay puti at dilaw kasunod ang 3 volley salutes.

Pinakahuli ay ang pagtatanggal ng watawat sa casket ng namayapang kalihim at saka ibinigay ni Pangulong Aquino sa asawa ng kalihim na si Atty. Leni Robredo. Hudyat ito na tapos na ang state funeral kasunod ang cremation ng mga labi ni Secretary Robredo.

Matapos ang cremation, dinala ang abo ng kalihim sa Eternal Garden kung saan ito tuluyan nang inilagak. (Liezl Sanchez/Marje Navarro, UNTV News)