P-Noy, Dismayado sa Pansamantalang Pagkawala ni Rolito Go

Ang Pangulong Benigno Aquino III na dismayado sa pansamantalang pagkakawala ng murder convict na si Rolito Go sa New Bilibid Prisons. (UNTV News)
MANILA, Philippines — Personal na ipinahayag ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagkadismaya nito sa nangyaring pagkawala ng high profile inmate na si Rolito Go sa New Bilibid Prison.
“Kung may kidnap man, paano makakapasok ang kidnapper diyan? Kung nakatakas naman bakit ganun kaluwang ang ginawa,” pahayag ng Pangulo.
Hindi umano inaasahan ni Pangulong Aquino na mangyayari ito sa kabila ng mga reporma na ginawa ni NBP Director Gaudencio Pangilinan, partikular na ang pagtatanggal ng mga kubol sa loob ng Bilibid.
Kinakailangan aniyang managot ang sinoman na mapatutunayan na nagkulang sa naturang pangyayari.
“So may imbestigasyon, paano ba nangyari ito? May pananagutan kung sino nagkulang. May nagkulang o may sumasabotahe sa ginagawa ni Dir. Pangilinan. Na-setup siya,” dagdag pa ng Pangulo.
Ayon kay pangulong aquino, patuloy pa rin ang gagawing reporma ng pamahalaan sa mga piitan sa bansa, partikular na sa New Bilibid Prison.
Nais ng punong ehekutibo na buwagin ang sindikato rito, at susulusyunan ang nagsisiksikang mga preso.
“Napakaraming sindikato dyan at yun ang gusto nating buwagin. Kasmaa na din dyan yung mga minana natin, overcrowded,” mariing pahayag ng Pangulo. (Ito Ang Balita ni Victor Cosare, UNTV News)














Recent Comments