Published On: Wed, Jul 11th, 2012

Naval Exercise sa East China Sea, Sinimulan na ng China

Zhoushan Islands (Google Map)

CHINA — Sinimulan ngayong araw (Hulyo 11) ng Chinese Navy ang taunang military exercise nito sa gitna ng territorial dispute ng Beijing at mga karatig bansa nito. Ayon sa ulat ng state media, tatagal ng anim na araw ang live Fire Naval Drill.

 Isasagawa ang naval exercise sa karagatan ng Zhoushan Islands na matatagpuan sa East China Sea, malapit sa lungsod ng Shanghai. Tiniyak naman ng Beijing na hindi isasagawa ang war games sa bahagi ng karagatan na apektado ng hidwaan.

 Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ng China ang pagpapatupad ng fishing ban sa nasabing bahagi ng karagatan. 

Napag-alaman na ikinagalit ng China ang pahayag ni Japanese Prime Minister Yoshihiko Noda na pinagiisipan ng Japan na bilhin sa private owners ang mga islang nasa East China Sea na pinag-aagawan nila ng Beijing at Taiwan.

 Bukod sa territorial dispute sa Japan, sangkot din ang China sa territorial dispute sa South China Sea laban sa Pilipinas, Vietnam, Brunei at Malaysia. (UNTV News)