Motorcycle Rider na Naaksidente sa Edsa, Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

Ang naging pag-rescue ng UNTV News and Rescue Team sa isang motorcycle rider na pumailalim sa isang pamprobinsyang bus sa EDSA. (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines – Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang motorcycle rider na si Renato Pacallagan na naaksidente sa south bound lane ng North Avenue sa EDSA pasado ala-singko kaninang umaga.
Bukod sa pag-semplang ng kanyang sinasakyang motorsiklo, nabangga at pumailalaim pa si Pacallagan sa isang provincial bus.
Nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan ang biktima habang iniinda ang matinding pananakit ng balakang. Agad namang isinugod ng grupo si Pacallagan sa East Avenue Medical Center.
Ayon sa driver ng bus na nakabangga sa biktima, mabagal lang umano ang kanilang takbo dahil basa ang daan.
“Nalubak siya, tapos tumilapon siya sa kanan kaya yun inabot ko pa rin siya, pumailalim yung motor niya sa bus ko,” pahayag ni Anicio Celestino, driver ng Victory Liner bus.
Nakita rin umano ng pasahero ng bus na si Gracia Labayaban ang pangyayari. Aniya, nakapag-preno pa ang driver ng bus subalit masyado nang malapit ang motorsiklo kaya nahagip pa rin ito.
Matapos ang imbestigasyon ng MMDA traffic investigator, agad ding inalis ang bus sa gitna ng EDSA para huwag nang makaabala sa daloy ng mga sasakyan. (Ito ang Balita ni Bernard Dadis/Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments