Published On: Thu, Jul 26th, 2012

Militanteng Anak-Pawis, Sumugod sa Harap ng Bahay ni CGMA sa La Vista Subdivision

QUEZON CITY, Philippines – Muling sumugod sa harapan ng bahay ni Congresswoman Gloria Arroyo sa La Vista Subdivision ang ilang miyembro ng grupong Anak Pawis.

Patuloy na kinokondena ng mga militante ang pansamantalang paglaya ng dating pangulo. Muling iginiit ng grupo na “guilty beyond reasonable doubt” si Arroyo sa mga patong-patong na kasong kinakaharap nya ngayon.

Binanggit ng mga ito ang mga kasong plunder, human rights violation, graft and corruption, at electoral fraud and sabotage.

Matatandaang nahaharap ngayon si Ginang Arroyo sa Sandiganbayan dahil sa umano’y paglustay nito ng pondo ng PCSO. Dagdag pa sa kaso ni Arroyo ang two counts ng graft at one count ng breach of ethics na kaugnay naman ng umano’y hindi natuloy na US$328M na  NBN-ZTE deal.

Nanindigan ang mga militante na hindi sila titigil at patuloy nilang ipaglalaban ang hustisya para  sa mamamayan hanggat hindi napaparusahan ang dating pangulo. Nais ng grupo na ihain ang isang symbolic warrant of arrest laban dito. (Ito Ang Balita ni Ley Ann Lugod/Marje Navarro, UNTV News)