Mga Pulis na Sangkot sa Atimonan Encounter, Pinasasampahan na ng Kasong Administratibo
MANILA, Philippines — Inirekomenda na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa dalawampung pulis na sangkot sa pamamaril sa Atimonan, Quezon.
Ayon kay PNP Chief Director General Alan Purisima, nakakita sila ng sapat na basehan upang sampahan ng kaso ang mga pulis gaya ng paglabag sa operational procedures sa pagsasagawa ng checkpoint.
Ayon pa kay Purisima, maaaring matanggal sa serbisyo ang mga nasabing pulis kung mapatutunayang nagkasala sa gagawing summary dismissal proceedings na tatagal ng siyamnapung araw.
Bukod sa dalawampu, pinakakasuhan din sa ilalim ng command responsibility doctrine ang dating hepe ng Quezon Police na si Senior Superintendent Valeriano De Leon at Region 4-A Director James Melad.
Dinala na rin sa Camp Crame General Hospital si Superintendent Hansel Marantan matapos itong makalabas sa pribadong ospital. (UNTV News)














