Published On: Thu, Jul 19th, 2012

Mga Operator ng Cavite Express o dating Coastal Road, Humihiling ng 20% Toll Hike

FILE PHOTO: Coastal Road (UNTV News)

MANILA, Philippines — Sinimulan nang dinggin ng Toll Regulatory Board ang petisyon para sa halos 20% dagdag-singil na hinihingi ng operator ng Cavite Expressway mula sa bahagi ng Roxas Boulevard hanggang Zapote area na dating tinatawag na “Coastal Road.”

Ayon sa operator ng Cavitex, nakasaad sa kanilang kontrata sa pamahalaan na dapat silang magpatupad ng increase sa toll kada taon.

Kailangan ding makabawi ang mga operator para hindi malugi at may mapagkunan ng puhunan sa pinaplanong extension ng expressway hanggang sa Tagaytay City.

Tinutulan naman ito ng grupong PISTON at ng public interest lawyer na si Ernesto Francisco dahil masyadong mataas ang P3.35 kada kilometrong increase na hinihingi kung ikukumpara sa ibang expressway na piso lamang kada kilometro.

Nakatakda naman ngayong araw (Hulyo 19) ang pre-hearing ng Southern Tagalog Arterial Road o Star Tollway sa Batangas na humihirit naman ng 7% hanggang 8% na toll rate hike. (UNTV News)