Mga Nahilo at Nasaktan sa Prusisyon sa Quiapo, Umabot sa 1,484

Ang taunang pagdiriwang na ito ng mga kababayan nating Katoliko ay nagdudulot ng mga pagkahilo, pilay at iba pang dala ng pagsisiksikan ng mga deboto ng rebultong Nazareno. (PHOTOVILLE International / Frederick Alvior)
MANILA, Philippines – Tumagal ng halos labing-walong oras ang prusisyon ng Nazareno sa Quiapo, Maynila kahapon.
Nagsimula ito bandang alas-8 ng umaga kahapon at natapos bandang ala-1:30 na kaninang madaling araw.
Sa monitoring ng Philippine National Police (PNP), naging mapayapa sa kabuuan ang ginanap na okasyon at wala naman silang naitalang anumang banta sa seguridad.
Sa tala naman ng Philippine Red Cross (PRC), umabot sa 1,484 ang kabuuang bilang ng mga nasaktan sa nangyaring prusisyon.
Kabilang sa mga ito ang nakaramdam ng pagkahilo dahil sa matinding init at pagsisiksikan, habang ang iba naman ay nasugatan sa paa dahil sa paglalakad ng nakayapak.
Nasa 11 naman ang isinugod sa ospital.
Ayon sa PNP, mas mabilis ang naging prusisyon ngayon kumpara noong nakaraang taon na umabot ng 22 oras. (Joan Nano & Ruth Navales, UNTV News)













