Published On: Wed, Jan 30th, 2013

Mas Mahigpit na Immigration Law, Ipatutupad sa China simula sa buwan ng Hulyo

Images courtesy of Google Map and Photoville International (UNTV News)

Images courtesy of Google Map and Photoville International (UNTV News)

MANILA, Philippines — Mas hihigpitan pa ng bansang China ang kanilang ipinatutupad na Immigration Law.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), partikular na nakatutok ang panibagong batas sa tinatawag na ‘three illegal’s’ o ang illegal entry, residence at employment.

Ang mas mahigpit na immigration law na nakatakdang ipatupad sa buwan ng hulyo ay bunsod umano ng dumaraming bilang ng mga banyagang pumapasok sa China upang manirahan o magtrabaho nang walang kaukulang dokumento.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga mahuhuling iligal na naghahanap-buhay sa China ay maaaring pagmultahin ng mula ¥5,000 hanggang ¥20,000 katumbas ng mahigit sa P130,000.

Maaari ding kumpiskahin ng Chinese authorities ang anumang kikitain ng mga dayuhan mula sa illegal employment.

Ang mga illegal resident naman ay papatawan ng multang ¥500 o katumbas ng P3,000 kada araw o di kaya’y pagkakakulong ng hanggang 15 araw.

Haharap naman sa deportasyon at sampung taong pagkaka-ban sa China ang mahuhuling gumagamit ng hindi angkop na visa.

Bukod sa illegal immigrants, parurusahan din ang mga employer na tatanggap ng mga foreign worker na walang kaukulang permit at dokumento.

Maging ang mga indibidwal at organisasyon na tumutulong sa mga dayuhan sa paggawa ng naturang iligal na mga aktibidad ay parurusahan din. (Dulce Alarcon & Ruth Navales, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>