Published On: Tue, Aug 7th, 2012

Marikina City, Nagpatupad na ng Force Evacuation sa mga Residenteng Malapit sa Ilog

Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig ng ilog ng Marikina ay agad nagpatupad ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan dito. Isa sa mga naging evacuation center ay ang Sto. Niño National High Schoo. (PHOTOVILLE International / Mark Gacer)

MARIKINA CITY, Philippines — Umabot sa Alert Level-3 (17 meters) ang water level sa Marikina River kaninang alas-dos ng madaling araw. Dahil dito, nagpatupad ng force evacuation sa mga residente sa tabi ng nasabing ilog.

Nasa 900 pamilya o mahigit sa 4,000 indibidwal ang pansamantalang inilikas  sa iba’t ibang evacuation center. Pinakamarami sa mga  ito ay pansamantalang nakatigil sa H. Bautista Elementary School sa Barangay Concepcion-Uno.

Ang ilan naman ay nasa Malanday Elementary School, Concepcion Integrated School at Bulelak Gym sa Malanday na unang napuno ng mga evacuees  sa ikalawang alarma pa lamang.

“Sa phobia na rin nila sa nakaraang Ondoy, talagang sila na mismo alerto na. Hindi na namin kailangan silang pwersahin o sabihing lumikas, nagkukusa na po,” pahayag ni Filomena Tiglao ng Marikina Settlement Office.

Kanya-kanya namang pamamaraan ng pagpapalipas ng magdamag ang ginawa ng  mga evacuee. Nakasanayan na umano nila ang ganitong mga senaryo.

“Nakaplastic, nakabalot, inilalagay na sa planggana yung mga ililikas naming mga gamit,” pahayag ni Nelda Viranda, isang evacuee mula sa Barangay Tumana.

Samantala, kanselado na ang klase simula pre-school hanggang high school sa pampublikong paaraalan sa mga apektadong lugar  tulad  ng Barangay Malanday, Concepcion-Uno, Tumana at Nangka.

Kaugnay naman sa ipatutupad na make up classes ng DepEd, nauna nang gumawa ng hakbang ang principal ng Malanday Elementary School upang makahabol ang mga mag-aaral sa mga aralin.

“Hindi na naming hinihintay na magkaroon pa ng order ang DepEd kundi kami na. Ginagamit ko na ang principal empowerment ko na kailangan talagang bayaran yung nawalang klase ng bata,” pahayag ni Lino De Guzman, principal ng Malanday Elementary School. (Pong Mercado/Marje Navarro, UNTV News)

Sa taas na higit sa 20 metro ay halos umabot na ang tubig ng ilog ng Marikina sa Marcos Highway kahapon ng tanghali. (PHOTOVILLE International / Maia Garciano)