Malinaw na Probisyon ng “Kasangbahay Bill” sa Kongreso, Mahigpit na Binabantayan
MANILA, Philippines — Masusing tinututukan ngayon ang pagtalakay sa probisyon ng “Kasangbahay Bill” sa bicameral conference sa Kongreso.
Ang naturang panukalang batas ay naglalayong proteksyunan ang mga namamasukang kasangbahay laban sa mga abusadong employers, gayundin ang pagbabawal sa mga menor de edad na mamasukan sa naturang hanapbuhay.
Partikular na nagbabantay sa takbo ng deliberasyon ang Visayan Forum Foundation Incorporated, Public Attorneys Office at maging si Vice President Jejomar Binay na iginigiit ang malinaw na probisyon ng naturang panukala.
Ayon sa mga ito, nararapat malinaw sa panig ng amo at namamasukan ang kani-kanilang karapatan at limitasyon.
Ito ang kaugnay sa kaso ni Bonita Baran, isang kasambahay na dumanas ng pagmamaltrato mula sa kanyang amo na si Analiza at Reynold Marzan noong 2007. Sa kasalukuyan ay nagtatago pa rin ang mag-asawa dahil sa warrant of arrest sa kasong serious illegal detention na ipinalabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 77.
“Ang gusto ko lamang po ay matupad at mabigyan ng hustisya ang mga nangyari sa mga kasambahay, tulad ng nangyari sa akin,” pahayag ni Baran.
“Panawagan namin, huwag na lang payagan ang menor (de edad). Bata pa sila, mahihiwalay sila sa magulang. Ito pa po ang kailangan naming punuin at trabahuhin sa bicam,” paliwanag ni Cecilia Flores-Oebanda ng Visayan Forum.
“Ang isyu dito ay ang mga nasa probinsya. Ga-graduate ng 15 years olds, so they had to consider na pag-asang ma-employ. Iyo ang ita-tackle sa bicam,” pahayag naman ni VP Binay.
“Hindi kagaya sa anti-violence against women and the children, may batas – RA 9262. Kung makaka-insert sana itong penalty sa nanakit sa katulong. Di ordinaryong penalty, henious crime na iyan kasi masahol pa sa hayop,” paliwanag naman ni Atty. Percida Acosta ng PAO.
Isinusulong ng Visayan Forum ang mga programang magpapataas ng antas ng kalagayan ng mga kasambahay sa bansa habang ang PAO naman ang kasalukuyang tumutulong kay Baran para sa pagusad ng kaso laban sa kanyang dating employer. Si VP Binay naman ay isa sa mga nagpupursigeng maipasa na ang “Kasambahay Bill” bilang batas na tutulong sa kapakanan ng mga househelp sa bansa. (Bryan De Paz/Marje Navarro, UNTV News)















Recent Comments