Published On: Tue, Aug 7th, 2012

Malaking Bahagi ng Quezon City, Lubog sa Baha

Ang naging pagbaha sa Dona Rosario Subdivision, Novaliches, Quezon City (PHOTOVILLE International / Roan Ruanto)

QUEZON CITY, Philippines – Lubog sa baha ang maraming lugar sa Quezon City dahil sa walang humpay na pag-ulan.

Alas-8 pa lang ng umaga kanina ay hindi na makadaan ang mga light vehicle sa North at South Bound area ng EDSA, Muňoz dahil sa hanggang hitang baha.

Mga bus na lamang ang nakadaraan habang ang ilang sasakyan ay naghihintay na bahagyang bumaba ang tubig.

Binuksan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang gitnang bahagi ng Edsa, Muňoz upang gawing u-turn slot para makadaan ang mga na-stranded na sasakyan.

Ang Roosevelt Avenue naman ay hindi na rin madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan dahil sa hanggang bewang na baha. Naglagay na lamang ng lubid ang mga residente para makatawid.

Sa Barangay Del Monte, umabot na hanggang sa leeg ang baha. Gumamit na ng mga life vest, salbabida at rubber boat ang mga residente upang mailikas ang mga na-stranded na residente.

Umabot naman ng lampas tao ang baha sa Barangay Masambong at Frisco. Ilang residente rin ang naglakas-loob na tumawid sa rumaragasang tubig upang tulungan ang mga kasamahang na-stranded sa kabilang kalsada.

Ilan sa mga residente ay isa-isa nang naghakot ng mga gamit sa bahay at pansamantalang inilagay sa tabi ng kalsada habang hinihintay na humupa ang baha.

Sa Mindanao Avenue, umabot na sa binti ang baha kaya naman ilang sasakyan rin ang hindi makadaan.

Bumper to bumper na rin ang traffic na naranasan ng mga motorista sa Mindanao Avenue patungong North Luzon Expressway matapos isara ang kalsada dahil umapaw na sa mga concrete barrier ang tubig-baha. (Ito ang Balita ni Grace Casin/Ruth Navales, UNTV News)

Ang pagragasa ng tubig ng Tullahan River sa mga kabahayan malapit dito sa Novaliches, Quezon City. (PHOTOVILLE International / Myka Cloma)