Published On: Thu, Sep 20th, 2012

Malacañang, Nananatiling Tahimik sa Naging Sagutan nina Senators Enrile at Trillanes

Ang naging paghaharap nina Sen. Antonio Trillanes IV at Sen. Juan Ponce Enrile kahapon sa Senado. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Nananatiling tahimik ang Malakanyang sa panig nito kaugnay sa naging sagutan nila Senate President Juan Ponce Enrile at Senator Antonio Trillanes IV sa Senado.

Sa ginawang pahayag kahapon ni Senador Enrile, sinabi nito na dapat ay may kopya ng report ang Malakanyang kaugnay sa ginawang negosasyon ni Senador Trillanes sa China.

Una nang ipinahayag ng Malakanyang, na nagboluntaryo si Senator Trillanes kay Pangulong Aquino kaugnay sa isyu sa China. Ito ay dahil bukas naman umano ang Pangulo sa anumang maaring makatulong sa ikalulutas ng problema sa West Philippine Sea.

Sa text message naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi muna sila magkukumento sa naganap na sagutan ng dalawang senador at hintayin na lamang ang opisyal na pahayag mula sa Malakanyang.

Pinabulaanan naman ng Palasyo na may kinalaman ang ito sa umano’y kudeta laban kay Senator Enrile dahil na rin sa pag-alis ni Senator Trillanes sa mayorya. (Nel Maribojoc/Marje Navarro, UNTV News)