Published On: Tue, Jul 24th, 2012

Mahigit 50 mga Ina, Sabay-Sabay na Nagpa-Breastfeed sa Pasay City

Ang breastfeeding na isinagawa sa One Esplanade sa umaga ng pagdiriwang ng UNTV’s 8th Anniversary (PHOTOVILLE International)

PASAY CITY, Philippines – Kasabay ng pagdiriwang ng ika-8 anibersaryo ng UNTV, sabay-sabay na nagpa-breastfeed ang mahigit 50 mga ina sa Pasay City. Ito ay upang ipakita at ipaunawa sa mga kababaihan lalo na sa mga ina ang kahalagahan ng breastfeeding o pagpapasuso sa mga sanggol.

Ang adbokasiyang ito ay sa pagtutulungan ng grupong Children for Breastfeeding, Nurturers of the Earth Inc., kasama ang UNTV at ang Members Church of God International (MCGI) sa pangunguna ni Bro. Eli Soriano.

Isa sa mga isinusulong nito ang pagkakaroon ng mga breastfeeding station sa mga opisina, mall, restaurant, airport, terminal at iba pa.

Layunin nito na maiwasan ang diskriminasyon sa mga ina na nagpapasuso o kailangang magpa-breastfeed saan man lugar sila naroroon.

Ayon kay Dr. Elvira Henares-Esguerra ng Children for Breastfeeding, 16,000 na mga bata ang namamatay kada taon sanhi ng ibat-ibang sakit dahil sa kakulangan ng sapat na nutrisyon mula ng sila ay sanggol pa.

“Ang ibig sabihin, walang iba kundi ang suso ng ina for the first 6 months ng buhay ng bata, after niyang continued breastfeeding dinadagdag ang mga katutubong pagkain. Hindi kailangan ng formula milk kasi ito ay isang advertisement lang, a big business.”

Sa mga susunod na buwan, plano ng grupo na higitan pa ang nauna nilang record sa Guinness World Record na “Most Women Breastfeeding” noong 2006 kung saan mahigit 3,000 mga ina ang sabay-sabay na nagpa-suso sa iisang lugar. (Ito ang Balita ni Grace Casin/Ruth Navales, UNTV News)

Ang advocacy ng breastfeeding na ito ay sa pakikipagtulungan ng Children for Breastfeeding at Nurturers of the Earth Incorporated sa pangunguna nina Dr. Elvira Henares-Esguerra and Nona Andaya-Castillo. (PHOTOVILLE International)