Published On: Fri, Sep 14th, 2012

Mag-asawang Nangmaltrato ng Katulong, Nakakulong na

FILE PHOTO: Ang mag-asawang Reynaldo at Analiza Marzan (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Ibinigay na ng senado sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang kustodiya sa mag-asawang Marzan na umano’y nang-abuso at nangmaltrato sa dating kasambahay na si Bonita Baran.

Dinala sa QC jail facility si Reynaldo Marzan habang sa female jail facility naman sa Kampo Karingal dinala ang asawa nitong si Analiza Marzan.

“Ang magdadala sa Camp Caringal babae at lalaki mga tao ko na magkahiwalay sila… Aside from that chineck na namin sila medically, this is our procedure,” pahayag ni Senate Sergeant-at-Arms Retired Major General Jose Balajadia Jr.

Naghain naman ng extremely urgent motion sa Quezon City RTC branch 77 ang kampo ni Marzan na sa detention cell na lamang ng National Bureau of Investigation (NBI) sila ikulong.

Ayon kay Atty. Joel Ferrer, abugado ng mag-asawang Marzan, hindi sila humihingi ng special treatment nais lamang daw nito na pagsamahin ang magasawa sa isang kulungan para mas madali itong madalaw ng kanilang mga anak.

Maliban dito, sumasailalim rin aniya sa kidney treatment si Mrs. Marzan at mahalaga na mabantayan ito ng kanyang asawa.

“Yung mga bata, for how many days di na nila kasama ang parents nila at sanay na sanay pa silang magkakasama parati at di na rin sila pumapasok. Gusto nila kung maari makadalaw sila sa parents nila sa isang lugar na maari silang makadalaw na andun sila parehas. kaya we thought na it would be convenient to the children na sa NBI na lang tutal di naman nagkakaiba ang facility ng NBI at QC jail,” paliwanang pa ni Ferrer.

Hindi naman pinaburan ng korte ang kanilang mosyon at sa huli, mananatili pa rin sa magkahiwalay na kulungan ang mag-asawang Reynaldo at Analiza Marzan. (Ley Ann Lugod/Ruth Navales, UNTV News)

 

  • aj

    ayan inabot sila.