Lalaking Aksidenteng Nalaglag sa Bus, Tinulungan Ng UNTV News and Rescue Team
QUEZON CITY, Philippines – Agad nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang isang lalaking naaksidente sa gitna ng southbound lane ng Edsa-North Avenue, Quezon City bandang alas-10 kagabi.
Pasakay na sana sa isang pampasaherong bus ang lalaki nang aksidente itong malaglag sa bus.
Kinilala ang biktima na si Richard Alvarado, 27, na nagtamo ng hiwa sa likurang bahagi ng ulo na agad namang nilapatan ng paunang lunas ng rescue team.
Ayon sa mga nakakita sa pangyayari, nadulas ang biktima sa hagdanan ng bus dahilan upang bumagsak ito patalikod at tumama ang ulo sa kalsada.
“Pasakay lang siya (Alvarado) nung nilapitan naming, humihinga naman kaya lang walang malay. Pero humihinga pa, amoy alak. Una hindi makusap, eto na lang lately nung dumating yung UNTV tsaka lang siya nakausap,” pahayag ni Reggie Tayug, Deputy Officer ng Barangay Bungad, Quezon City.
Paliwanag naman ng driver ng bus na si Ereneo Dijos, mabagal lang ang kaniyang takbo pero sadyang madulas ang hawakan ng bus dahil umuulan.
“Nakahinto kami kasi traffic nga. Ngayon nung wala ng traffic, angat kami. Mahina lang naman yung ano, eh sya sabi nung pasahero eh galing pa dun sa likod. Tumakbo pla sya dun sabay hawak eh madulas.”
Ayon naman sa MMDA traffic personnel na si Ian Valderama, kapwa may pananagutan sa nangyaring aksidente ang driver ng bus at si Alvarado.
“Hindi naman advisable ‘yun, kasi dito sa EDSA mayroon tayong ipinapatupad na “close-door policy”. Allowed lang sila magbukas ng pinto sa mga tamang sakayan-babaan sa mga loading bay natin. Mayroong pananagutan din yung driver at pasahero kasi bigla syang sumakay, eh nagulat din yung driver.” (Ito ang Balita ni Bernard Dadis/Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments