Published On: Fri, Sep 21st, 2012

Lalaki, Patay sa Pamamaril sa Batasan Hills, Quezon City

Ang napaslang na lalake sa Batasan Hills, QC (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Pauwi na sana ang construction worker na si Bienvenido Lucente, 55, nang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa tapat ng kanyang ginagawang bahay sa Batasan Hills, Quezon City, pasado ala-7 kagabi.

Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, tatlong lalaking suspek na nakasakay sa motorsiklo ang nag-abang sa biktima.

Tatlong tama ng bala sa ulo at dalawa naman sa katawan ang kumitil sa buhay ni Lucente.

Ayon sa asawa at mga kamag-anak ng biktima, wala silang alam na kaaway ni Lucente kaya nahihirapan ngayon ang mga otoridad sa pagkakakilanlan sa mga suspek.

Gayunman, inaasahang mabibigyang-linaw ang katauhan ng mga salarin sa pamamagitan ng CCTV ng kanilang kapitbahay. (Pong Mercado/Ruth Navales, UNTV News)