Published On: Tue, Jul 3rd, 2012

Klase Sa Metro Manila, Sinuspinde

Ang naging pagbaha sa Navotas City dahil sa malakas na pag-ulan nitong Martes. (PHOTOVILLE International)

METRO MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na epekto ng low pressure area, maaga pa lamang ay nagsuspindi na ng klase ang karamihang mga eskwelahan sa buong Metro Manila.

Kabilang sa mga nagkansela na ng klase ang mga lungsod ng Parañaque, Valenzuela, Cainta, Maynila, Pasay, Navotas, San Juan, Las Piñas, Pasig, Taguig, Marikina, Mandaluyong at Quezon City.

Ngunit sa kabila ng mga pagbaha at banta ng flashflood, may ilang eskwelahan sa Metro Manila ang tanghali nang magsuspindi ng klase.

Tilad ng isang eskwelahan sa Makati, nadatnan ng UNTV News Team na nakaabang sa labas ng gate ng paaralan ang mga magulang upang sunduin ang kanilang mga anak.

Reklamo ng mga magulang at estudyante, sana raw ay maagang nagsuspinde ng klase ang paaralan para iwas sa abala.

“Eh, di sana maaga nilang sinabi, kaysa naman tignan mo nagkakagulo kaming mga magulang dito, eh di sana kung maaga sinabi, hindi nahihirapan mga bata. Basang-basa kami tapos sa trabaho naistorbo yung tao,” reklamo ni Ginang Marietta Balbidia.

Dahil dito, muling nagpaalala ang Department of Education hinggil sa ipinalabas na kautusan sa pagsususpindi ng klase.

Ayon sa Executive Order No.66, dapat manggaling sa mga LGU o lokal na pamahalaan ang suspension of classes.

Giit ni DepEd Communications Head Cristina Ganzon, hindi dapat malito ang sinuman dahil malinaw ang nakasaad sa naturang kautusan.

“Ang nakasaad sa EO 66, ang may responsibilidad na mag-suspend ng klase kapag malakas ang ulan at wala namang signal ay nasa Local Government Unit, kasi sila naman ang nasa lugar ang makakapag-assest sa nangyayari sa lugar na yun.”

Ayon sa DepEd, mas makabubuting alamin ng mga magulang ang hotline number sa lungsod na nakakasakop sa kanila para madali silang makatawag upang malaman ang impormasyon na kanilang kailangan. (Ito Ang Balita ni Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)