Kaso Ng Dengue Sa Davao Region, Tumaas

FILE PHOTO: Aedes Aegypti (Dengue-carrier mosquito) (PHOTO CREDITS: Muhammad Mahdi Karim / Wikipedia.org)
DAVAO, Philippines — Patuloy na tumataas ang kaso ng dengue sa Davao Region sa kabila ng maigting na kampanya ng Department of Health laban sa nakamamatay na sakit.
Batay sa tala ng DOH, mahigit tatlong libo na ang nabibiktima ng dengue mula lamang January 1 hanggang June 28 ngayong taon.
Mahigit pa sa isandaang porsyento ang itinaas nito kumpara sa bilang ng dengue cases sa unang anim na buwan noong nakaraang taon.
Ayon kay DOH Regional Director Abdullah Dumma Jr., hindi umano aabot ng ganito kataas ang insidente ng dengue sa rehiyon kung naging mas alerto sana ang publiko”
“Kagaya ng lagi kong sinasabi, na it’s about time to let everybody know that dengue is around.”
Mula Enero 1 hanggang Hulyo, 34 na ang namatay sa dengue sa rehiyon, 22 o mahigit 60% ng kabuuang bilang ay mula sa Davao City.
Dahil dito, siksikan na ang mga pasyente sa mga public hospital sa lungsod.
“I’m appealing to everybody specially in Davao City and other parts of the region to please be vigilant know, dahil kailangang-kailangan na magkaisa na tayo lahat-lahat na po komunidad, local officials and everybody para siguradong hindi na tumaas ito.”
Upang maiwasan ang lalo pang pagdami ng nabibiktima ng dengue, ipinaalala ng health department sa publiko ang 4S campaign ng ahensya.
Search and destroy – hanapin at sirain lahat ng posibleng pamahayan at pangitlugan ng dengue-causing mosquitoes gaya ng bote, lumang gulong at iba pang maaring maglaman ng stagnant water. Palaging palitan ang tubig sa mga flower vase at takpan ang mga imbakan ng tubig.
Self-protection measures – gumamit ng damit na matatakpan ang buong katawan at mga repellant na pantaboy ng lamok. Makatutulong din ang mosquito coil at mosquito net.
Seek early consultation – magpatingin kaagad sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas ng dengue gaya ng high fever, pananakit ng kasu-kasuan, panghihina, pamamantal at iba pa.
At ang panghuli, Say no to indiscriminate fogging – makatutulong lamang ang fogging kung may dengue outbreak o epidemic na sa lugar.
Samantala, sa kabila ng mataas na insidente ng dengue sa Davao Region, wala pang balak magdeklara ng dengue outbreak ang DOH Region XI.
“As far as dengue in Davao Region is concerned, I cannot say na very near na tayo sa pag-declare ng outbreak dahil hindi pa tayo darating doon, but the cases and situation are already alarming,” pahayag ni DOH Regional Director Abdullah Dumma Jr. (Ito Ang Balita ni Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)













