Published On: Tue, Aug 28th, 2012

Kahalili ni DILG Secretary Robredo, Inaabangan na

MANILA, Philippines – Umiigting ang labanan para sa posisyong naiwan ng namayapang si DILG Secretary Jesse Robredo.

Maraming pangalan ang lumilitaw na kandidato sa pagiging DILG secretary. Isa na rito ang pangalan ni Cavite 1st District Representative Joseph Emilio Abaya na miembro ng Liberal Party.

Isa pa ay si Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Mar Roxas.

Matunog din ang pangalan ni Senator Panfilo Lacson na isa umano sa napipisil mismo ni Pangulong Aquino.

Ilan pa sa mga mauugong na pangalan ay sina Manila Mayor Alfredo Lim, Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte, former Isabela Governor Grace Padaca at maging si Vice President Jejomar Binay.

Para kay Senate President Juan Ponce Enrile, hindi mahalaga ang political affiliation sa posisyong ito dahil mas importante ang karanasan sa larangan ng local administration.

Kaya para kay Enrile, pasok sina VP Binay at Senador Lacson.

“I think the Vice President will be well suited for the job because he has been the head of the premier city of the country for a long time, so he knows the problems of both governments,” pahayag ni Enrile.

Ngunit ayon naman sa ikalawang pangulo, sakaling ialok sa kanya ang pwesto, mariin na niya itong tatanggihan.

“Hindi na po. Sinasabi ko na po sa inyo na marami pa akong tatapusin na ipinagkatiwala sa akin ni Pangulong Noynoy, so ang iba na lamang po at marami pa namang ibang qualified diyan,” pagtanggi ni VP Binay.

Ayon pa sa ikalawang pangulo, ipaubaya na lang kay Pangulong Aquino ang pagpili sa itatalagang kalihim ng DILG.

“Hindi naman po isyu iyan ng Balay at ng Samar. Bigyan na lamang po natin ng pagkakataong makapagisip ng maigi at makapili ng mahusay kung sinoman ang ipapalit kay Sec. Robredo,” paliwanag ni Binay.

Inaasahang sa mga darating na araw ay makakapili ng kahalili ni Secretary Robredo ang Pangulo at inaasahan din na gaya ng dating kalihim ay magiging tapat at masipag din ang bagong mailalagay sa posisyon. (Ito Ang Balita ni Mon Jocson/Marje Navarro, UNTV News)