Isang Lalaki, Nailigtas ng UNTV News and Rescue Team sa Tangkang Pagpapakamatay

Ang nagtangkang mag-suicide sa may Katipunan Avenue, Quezon City, habang may nilalapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team. (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines – Nabundol ng truck ang isang 38-anyos na lalaki sa pagtatangka nitong magpakamatay sa Katipunan Road Corner C.P. Garcia Street sa Quezon City.
Duguan nang madatnan ng UNTV News and Rescue Team ang biktima. Nagtamo ito ng mga gasgas sa kanyang noo, kaliwang mata at sa kanyang ilong. Agad naman itong nilapatan ng paunang lunas ng grupo.
Ayon sa salaysay ng driver ng truck, nagulat na lamang siya sa biglaang tumawid ang lalaki.
“Naabutan. Talagang gusto niyang magpasagasa eh. Hindi naman mabilis kasi kung mabilis, patay na yan,” pahayag ni Reymundo Javier, driver ng truck.
Ayon naman sa traffic supervisor sa lugar, posible pa ring managot ang driver ng truck.
“Siguro makakasuhan din sya ng reckless imprudence resulting to physical injury kahit hindi naman siguro kasalanan ng driver. Biglang tumawid yung tao galing sa center island. Pananagutan ng driver yun dahil tao ang nasagasaan niya,” paliwanag ni Jeffrey Sulda, traffic supervisor.
Agad namang itinakbo ng UNTV News and Rescue team ang biktima sa East Avenue Medical Center. (UNTV News)













