Published On: Thu, Sep 20th, 2012

Isa Pang Dating Kasambahay na Minaltrato Umano ni Ginang Marzan, Lumutang

Si PAO Chief Atty. Percida Rueda Acosta sa pagharap sa media sa pagprisenta ng isa pang umano’y minaltratong kasangbahay ng mag-asawang Marzan. (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Isa pang dating kasambahay na umano’y nakaranas rin ng pangmamaltrato ng pamilya Marzan ang lumutang ngayong araw.

Ayon kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta, isang babae ang itinago nila sa pangalang Evalyn na pinagmalupitan din umano ng mag-asawang Marzan.

Sinundo pa umano nila si Evalyn sa opisina ng South Luzon Expressway pasado alas-singko ng madaling araw.

Napaiyak pa umano si Evalyn nang makita nito sina Acosta at Baran dahil naalala niya ang ginawang pagma-maltrato sa kanya ni ginang Marzan.

“Ikinuwento niya lahat sinasaktan siya di umano, sinasabunutan, tapos kinukurot, sinasampal, may pananakit na ginagawa sa kanya at masakit ang inabot niya,” pahayag ni Acosta.

Kwento pa ni Atty. Acosta batay sa salaysay sa kaniya ni Evalyn, katorse anyos lamang si Evalyn nang namasukan bilang yaya sa pamilya Marzan noong 1999.

Sa Murang gulang, nakaranas umano siya ng pananampal at pangungurot mula kay Annaliza Marzan.

At tuwing magkakamali di umano ay pinapainom siya ng isang galong tubig.

Dahil dito, limang buwan lamang ang kaniyang inilagi sa pamilya Marzan. Pinayagan lamang umano siyang makaaalis nang magbayad siya kay Annaliza ng isanlibong piso.

“Di siya nakakalabas, wala siyang off kaya nakiusap siya na paalisin na siya ngunit di siya pinayagan so kinailangang magbayad pa siya ng isang libo para lamang siya paalisin,” pahayag pa ni Acosta.

Ikinatuwa naman ni Bonita Baran ang paglitaw ni Evalyn na bagama’t hirap mag-salita ay nagpapasalamat ito sa kaniya. (Joshua Antonio/Ruth Navales, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>