Published On: Sat, Sep 15th, 2012

Imbestigasyon ng Senado sa mga Isyung Kinasasangkutan ni Dating DILG USec. Puno, Tinapos na ni Santiago

DILG Usec. Rico Puno and Sen. Miriam Santiago (UNTV News)

PASAY CITY, Philippines – Tuluyan nang tinapos ni Senate Committee on Constitutional Amendments, Revision of Codes and Laws Chairperson Senador Miriam Defensor-Santiago ang imbestigasyon ukol sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni dating Interior Undersecretary Rico Puno.

Sa halos tatlong oras na pagdinig ngayong araw, isa-isang itinanggi ni Puno ang mga akusasyon sa kanya kabilang na ang pagpasok nito sa condo unit ni Secretary Robredo, gayundin ang paratang na isa siyang protektor at tumatanggap ng payola sa jueteng.

Pinabulaanan din nitong mayroon siyang ekslusibong kontrol sa Philippine National Police (PNP) at pakikialam sa Bids and Awards Committee (BAC) ukol sa pagbili ng rifle at ammunition ng pambansang pulisya.

Ayon kay Puno, mere observer lang siya sa BAC sa layuning makita ang tamang proseso nito.

Giit naman ni Senadora Santiago, tila magkakontra ang pahayag ni Puno sa sinabi ni Secretary Paquito Ochoa na siya ay may direktang kontrol sa police operations.

Nagtataka rin ang senadora kung bakit hindi nakarating ang mga cabinet members sa senate probe na layong alamin ang kahinaan ng DILG act at administrative code.

Patuloy namang pag-aaralan ni Santiago kung kailangan nga bang amyendahan ang mga naturang batas lalo na sa trabaho ng isang Undersecretary ng DILG.

Aminado rin si Santiago na mahihirapan siyang gumawa ng committee report matapos dedmahin ng ibang senador ang naturang pagdinig. (Bryan De Paz/Ruth Navales, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>