Ilang lugar sa Metro Manila, binaha dahil sa walang tigil na pag-ulan

Ang naging pagbaha sa bayan ng Navotas nitong Martes dahil sa magdamag na pag-ulan. (PHOTOVILLE International)
MANILA, Philippines —Ilang lugar sa Metro Manila ang binaha dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan mula pa kagabi.
Nag-umpisa ang pagbuhos ng ulan pasado alas-diyes kagabi at kahit bahagya na lamang ang buhos kaninang umaga ay binaha pa rin ang ilang kalsada sa Metro Manila.
Hindi madaanan ang bahagi ng Boni Avenue sa Mandaluyong dahil sa taas ng tubig sa kalsada.
Pansamantala itong isinara dahil sa mataas na tubig.
Ayon sa mga nakausap ng UNTV News sa lugar, mahigit dalawampung taon nang tinitiis ng mga commuter at mga residente ang pagbaha sa lugar.
“Matagal na po yan. Mahigit 11 years nako dito pero alam ko hindi lang 11 years na problema ang pagbaha diyan,” pahayag ni Jay Vindo, residente sa lugar.
Isa rin sa perwisyo na dala ng pagbuhos ng ulan ay ang masamang amoy ng tubig na nagmumula sa mga estero at kanal kung saan maraming basura ang nakatambak.
Sa bahagi naman ng Malabon City ay may ilang mga kalsada rin ang lubog sa tubig baha.
Tumaas rin ang baha sa España at Quiapo kaninang umaga.
Nagbabala naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho upang makaiwas sa disgrasya. (Ito Ang Balita ni Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments