Ilang Lugar sa CAMANAVA Area, Lampas Bahay na ang Baha

Ang kalagayan ng Grace Park-Monumento Area sa Caloocan City alas – diyes kagabi. (PHOTOVILLE International / Roan Ruanto)
CAMANAVA, Philippines – Isa sa malubhang binaha ang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) sa kasagsagan ng buhos ng ulan.
Sa kahabaan pa lang ng Edsa North Bound sa paglilibot ng UNTV News Team, halos hindi na makita ang kalsada dahil lubog na ito sa baha.
Marami sa mga motorista ang nag-aalinlangan na sumuong sa tubig subalit may mga naglakas ng loob na lumusong sa baha makatawid lamang patungong Monumento.
Stranded naman ang mga sasakyan sa Sangandaan Road sa Caloocan dahil hanggang baywang na ang baha.
Ayon sa mga motorista, hindi raw nila inaasahan na babahain sila ngayon dahil hindi naman daw sila binaha noong nangyari ang bagyong Ondoy.
Marami ring sasakyan ang lubog na sa baha. Maging ang malalaking truck, hindi makatawid dahil sa taas ng tubig.
Lubog na rin ang karamihang bahay sa Tonsuya.
Samantala, sa kasagsagan ng ulan kanina isang poste ng Meralco ang nabali matapos masagi ng isang truck dahil sa poor visibility.
Nangako naman ang Meralco na aayusin ito agad upang maibalik ang supply ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng brownout. (Ito ang Balita ni Victor Cosare/Ruth Navales, UNTV News)













