“Ikaw ang Ngayon, Bukas at Kailanman”, Ikalawang “Song of the Week” ng ASOP Producer’s Pick

Ang nanalong ASOP Song of the Week na “Ikaw Ang Ngayon, Bukas at Kailanman” sa komposisyon ni Christian Obar at sa interpretasyon ng lead vocalist ng bandang Imago na si Aia De Leon. (PHOTOVILLE International / Gaye Fritz Ofilas)
MANILA, Philippines – Nakuhang muli ng awiting “Ikaw Ang Ngayon, Bukas at Kailanman” ang titulong “Song of the Week” sa ikalawang linggo ng Producer’s Pick episode ng “A Song of Praise (ASOP) Music Festival kagabi.
Labis ang pasasalamat ng kompositor nitong si Christian Obar sa kanyang pagkapanalo kahit aniya’y maraming naging hadlang sa kanyang pagpunta sa naturang programa.
Dinaig nito ang mga awiting “Live For The Lord” ni Suzanne Samson na inawit ni Ava Olivia Santos, “Purihin Ka” ni Gomer Sumilhig sa interpretasyon ni Ebe Dancel at “Wala Kang Katulad” ni Rolando Dela Cruz sa rendisyon naman ni Bo Cerrudo.
Samantala, ipinagmalaki naman ng bokalista ng bandang Imago na si Aia De Leon ang naturang entry dahil sa ganda ng pagkakalikha nito.
“Iba rin kasi ‘yung nakita mo na before and even with the changes that came in, I think mas naging buo na sa loob mo. ‘Pagka nandyan na sa’yo ‘yan, nai-interpret mo ‘yan ng mas kumportable ka. And when you’re a little bit comfortable with the material, mas may expression ‘yan. There’s room for you to express, to really ride with the song.”
Ang naturang song entry ay kabilang sa mga maglalaban sa finale round ng kompetisyon na gaganapin sa Setyembre sa Smart-Araneta Coliseum.
Samantala, naging vocal naman ang tatlong hurado sa kani-kanilang damdamin tungkol sa ASOP.
Pahayag ni Mr. Rannie Raymundo, “I will say this publicly noh. I’ve been involved in songwriting competitions… more than two decades already. Alam mo, I can honestly say na ‘yung ASOP ang isa sa pinaka-credible na songwriting competition ever…”
Pag-amin naman ni Ms. Jami Rivera, “Nahirapan kaming mag-judge, actually, dahil magagaling ang mga songs… mga interpreters ang gagaling nila. Nagulat ako lahat sila professionals. Kaya talagang this is a song of praise… a house of God…”
Anang beteranong kompositor na si Mr. Mon Del Rosario, “Pero seriously, alam mo, having been with the competition for the past several months, ako… nabubuhayan ako ng loob, eh . Nabubuhayan ako ng loob sa future ng music industry sa Pilipinas…” (Ito ang Balita ni Adjes Carreon/Ruth Navales, UNTV News)














