HSP: 14 Milyong Pilipino, May Hepatitis B

FILE PHOTO: Hepatitis-B virions (Centers for Disease Control and Prevention’s Public Health Image Library)
QUEZON CITY, Philippines – Naaalarma ngayon ang Hepatology Society of the Philippines (HSP) dahil sa pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may sakit na Hepatitis B.
Sa pinaka-huling survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST), mula sa dating 12% noong 1996, umakyat na sa 16% ang mga nagkakaroon nito sa nakalipas na sampung taon.
Tinatayang 2 sa bawat 15 Pilipino ang apektado ng sakit o mahigit labing-apat na milyong Pilipino ang matagal nang apektado ng Hepatitis B, 1.1 milyon hanggang 1.9 milyong Pilipino naman ang maaaring mamatay dahil sa liver cirrhosis o liver cancer dulot ng Hepatitis B.
Pangkaraniwang dahilan ng liver cancer sa Asya ang Hepatitis B, habang ang liver cancer naman ay panlima sa mga uri ng cancer na sakit ng mga Asyano.
Base sa pag-aaral ng mga doktor, kadalasang walang sintomas ang Hepatitis B. Maaaring magkaroon ang isang tao ng sakit na ito nang hindi niya namamalayan at kung hindi agad ito malulunasan ay maaaring maging liver cirrhosis.
Kapag ang isang tao ay may liver cirrhosis, mas malaki ang banta sa kanyang buhay dahil kaakibat nito ang pagkakaroon ng tubig sa abdominal cavity, internal bleeding, liver cancer, liver failure, coma at maaaring humantong sa kamatayan.
Dahil dito, hinikayat ni HSP Director Dr. Diana Payawal, ang mga may sakit na Hepatitis B na komunsulta sa doktor upang malunasan ang sakit.
“Marami na talaga sila, so gusto lang namin silang lumabas kasi may program na mag-achieve sila ng treatment o para mabigyang lunas at matutulungan naman namin sila sa mga ganyang programa.” (Ito ang Balita ni Joshua Antonio/Ruth Navales, UNTV News)













