Published On: Tue, Jul 10th, 2012

Guidelines sa live coverage nang pagpili ng susunod na chief justice, ilalabas na ng JBC sa Lunes

Supreme Court of the Philippines (UNTV News)

 MANILA, Philippines – Posibleng ilabas na sa Lunes, Hulyo 16 ng Judicial and Bar Council (JBC) ang guidelines para sa live coverage ng interview sa 22 nominado sa pagka-Punong Mahistrado.

Ayon kay JBC member Atty. Milagros Fernan-Cayosa, patuloy sila sa paghahanap ng bagong paraan kung paano isasagawa ang public interview sa pamamagitan ng live streaming.

Paliwanag ni Cayosa, dati ay inililipat sa ibang lugar ang ibang nominado habang nakasalang sa public interview ang isang nominado, subalit hindi na aniya ito maaaring gawin dahil pwede na itong mapanood sa isasagawang live coverage.

Inaasahang sa Hulyo 24 ay sasalang na sa public interview ang unang anim na nominado sa pagka-punong mahistrado.

Ayon kay Atty. Cayosa, susubukan nilang matapos kaagad ang public interview upang makamit ang self-imposed deadline na Hulyo 30.

Binanggit naman ni Cayosa na papayagan nilang lumampas sa itinakdang oras ang pagtatanong sa isang nominado, lalo na kung mabigat na usapin ang tinatalakay. (UNTV News)