FPJ, Isa ng Ganap na National Artist

Ang pagtanggap nina Susan Roces at MTRCB Chairman Grace Poe-Llamanzares ng National Artist Award para kay Fernando Poe Jr. Ito ay iniabot ni Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañang. (UNTV News)
MANILA, Philippines – Pormal nang iginawad ng Malakanyang kay Ronald Allan Poe o mas kilala bilang Fernando Poe Jr. ang National Artist Award.
Ikinatuwa naman ito ng pamilya Poe. Sa pamamagitan ng inilabas na Proclamation No. 435 ni Pangulong Aquino noong Hulyo 20, kinukumpirma nito ang Proclamation No. 1069 na inilabas noong May 2006 na nagbibigay ng naturang pagkilala kay FPJ.
Panahon pa ni dating Pangulo Arroyo lumabas ang naturang proklamasyon ngunit hindi ito dinaluhan ng pamilya ni FPJ dahil may bahid umano ito ng pulitika.
Nagpasalamat naman ang pamilya ni FPJ sa tinanggap na parangal.
“Fernando Poe Jr or FPJ articulated in his films the yearnings, the struggles, dissapointments of Filipinos of his time,” pahayag ng anak ni FPJ na si MTRCB Chairperson Mary Grace Poe-Llamanzares.
“Ito po ay tinatanggap ko sa ngalan ng aking kabiyak na si Fernando Poe Jr. Katulad nang sinabi ni Mary Grace, it’s worth waiting for na makumpirma ka ng tunay na halal na Pangulo,” pahayag naman ng kabiyak ni FPJ na si Susan Roces.
Sa ginawa namang pahayag ni Pangulong Aquino, ipinakita nito ang kanyang paghanga kay FPJ at ang naging malaking kontribusyon nito sa sining.
”Sa lahat ng ito bida ng maraming Pilipino si Fernando Poe Jr, tagapagtanggol ng naapi, takbuhan ng mga nangangailangan at tagapagtaguyod ng katarungan. Wala nga pong duda karapatdapat siyang kilalanin at hirangin bilang pambansang alagad ng sining,” pahayag ni Pangulong Aquino.
Taong 2010 nang nagpahayag ang pamilya ni FPJ na handa na nilang tanggapin ang pagkilala sa King of Philippine Movies bilang National Artist for Films. (Ito Ang Balita ni Nel Maribojoc/Marje Navarro, UNTV News)













