Faulty Electrical Wiring, Isa sa Posibleng Dahilan ng Sunog sa Tutuban Mall – BFP

FILE PHOTO: Ang isang bahagi ng Tutuban Mall na nilalabasan pa rin ng usok bagama’t naapula na ng Bureau of Fire Protection o BFP ang apoy. (UNTV News)
MANILA, Philippines — Matapos ang 2 araw, idineklara ng fire out ang sunog sa isang cluster building ng Tutuban Mall sa Divisoria, Maynila ala-una ng madaling araw kanina.
Tinatayang walumpu hanggang siyam-napung porsyento ng gusali ang nasunog. Nagbagsakan na rin ang mga kisame ng gusali na nasa ikalawa at ikatlong palapag nito.
Kaninang tanghali, mahigipit pa ring binabantayan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang naturang mall sa posibilidad na muling pagsiklab ng apoy dahil sa mga bagang nakita sa ika-apat na palapag nito.
Bukod pa rito ang patuloy na pagbubuga ng maitim na usok sa loob ng mall.
“May mga method pa tayong gagawin, hind natin pwedeng kaagad basagin yung concrete dahil pwedeng mag-crack ito at magkaroon ng falling debris,” pahayag ni Fire Chief Inspector Bonifacio Carta.
Hindi pa rin mapasok ng mga bumbero ang ika-apat na palapag ng mall dahil sa sobrang init sa loob nito.
Ayon sa BFP, palalamigin muna ang loob ng gusali bago nila tuluyang mapasok na tatagal naman ng halos isang linggo.
Ayon pa kay Carta, magkakaroon ng laboratory examination para malaman kung ano ang naging dahilan ng sunog at ang halaga ng pinsalang idinulot nito.
Malaki rin aniya ang posibilidad na electrical failure ang pinagmulan ng sunog.
“Isa sa titingnan nating anggulo,normally fire cause by electrical cause,” pahayag pa ni Carta.
Samantala, sarado pa rin hanggang sa mga oras na ito para sa mga motorista ang bahagi ng Recto Avenue sa Maynila. (Joshua Antonio/Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments