Published On: Fri, Sep 21st, 2012

Ex-NBI Director Magtanggol Gatdula, ‘No Show’ pa rin sa Hearing ng Ohara Kidnapping Case

FILE PHOTO: Former NBI Director Magtanggol Gatdula (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines – Hindi na naman sumipot si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula sa pagdinig ng prosecution panel ng Department of Justice (DOJ) na may kaugnayan sa Ohara kidnapping case.

Tanging abogado lamang ni Gatdula ang dumating sa pagdinig ng DOJ panel kanina upang isumite ang counter affidavit ng kaniyang kliyente kung saan ay itinanggi nito ang mga akusasyon sa kanya.

Bagama’t inaasahan ang pagdalo ni Gatdula upang sumpaan ang kanyang salaysay, hindi ito sumipot dahil nag-subscribe na umano ito ng kanyang counter affidavit sa ibang prosecutor noong Miyerkules, Setyembre 19.

Dahil dito, iniutos ng prosecution panel sa abogado ni Gatdula na kailangang iharap nito ang kaniyang kliyente sa susunod na pagdinig sa kaso kung kailan maghahain ito ng kanyang supplemental counter affidavit.

Ayon sa prosecution panel, sa kanila dapat humarap at manumpa si Gatdula dahil sila ang may otoridad na tumanggap ng sinumpaang-salaysay nito.

Itinakda naman sa Setyembre 28, araw ng Biyernes, ang susunod na pagdinig sa kaso.

Samantala, patuloy namang kinukwestiyon ng kampo ni Gatdula ang kapangyarihan ng DOJ panel na dinggin ang kaniyang kaso.

Una nang naghain ng petisyon sa Court of Appeals si Gatdula at hinihiling na patigilin ang pagdinig ng panel sa pamamagitan ng isang Temporary Restraining Order (TRO).

Nag-ugat ang kaso laban kay Gatdula at mga kasamahan nito sa inihaing reklamo ng Haponesang si Noriyo Ohara na umano’y kinidnap ng mga tauhan ng NBI noong Oktubre 2011 at kinikilan ng anim na milyong piso. (Roderic Mendoza/Ruth Navales, UNTV News)