Espina, Bagong Hepe ng NCRPO; Mga Bagong Programa Kontra Krimen, Isusulong
TAGUIG CITY, Philippines – Pormal nang itinalaga bilang bagong hepe ng NCRPO si Police Chief Superintendent Leonardo Espina.
Pinalitan nito bilang NCRPO chief si Police Director Alan Purisima na itinalaga namang hepe ng PNP directorial staff sa Camp Crame.
Ayon kay Espina, marami siyang programa at sistemang ilulunsad upang labanan ang krimen sa Metro Manila pangunahin dito ang hindi pag-gawad ng arrest warrant laban sa mga miyembro ng media sa kasong libelo mula biyernes hanggang hapon ng linggo at payagan ang mga itong makapag-piyansa.
Kasabay nito, paiigtingin din ng bagong talagang hepe ng NCRPO ang crime mapping at magsasagawa ng mga innovation sa mga inumpisahang programa ni dating NCRPo chief Alan Purisima.
Nais ding maibalik ni Espina ang kooperasyon at tiwala ng mamamayan sa mga pulis dahil malaki umano ang maitutulong nito sa pag-resolba sa mga krimen.
Mahigpit ding ipapatupad ang zero backlog solution para sa mga kasong matagal ng nakabinbin upang agad itong maresolba.
Bukod dito, nais din ni Espina na paigtingin ang pagdidisiplina sa mga abusadong pulis. Nag-aalala umano siya na mangyari sa iba ang naranasan ng kaniyang anak matapos mabiktima ng pangongotong sa dalawang pulis sa Quezon City.
Dagdag pa ni Espina, tututukan niya ang kaso hindi dahil sa sangkot ang kaniyang anak kundi dahil baka mas marami pang madamay na mga sibilyan na inaabuso ng ilang miyembro ng PNP.
Bukas, araw ng Sabado ay magpapasimula na si Espina sa kanyang trabaho bilang hepe ng NCRPO sa pamamagitan ng isang command conference sa lahat ng mataas na opisyal ng Pambansang Pulisya sa buong kamaynilaan. (Mon Jocson/Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments