Enrile, nalungkot sa sinapit na mild stroke ni Santiago
MANILA, Philippines – Pinayuhan ni Dr. Esperanza Cabral si Senator Miriam Defensor Santiago na huwag munang pumasok sa pagbubukas ng sesyon ng Senado sa Lunes (Enero 21).
Itoy upang maiwasan ang muling pagtaas ng presyon nito na umabot ng 184 over 100 matapos ang isang panayam ukol sa isyung pulitikal noong Miyerkules.
Kinumpirma naman ng ophthalmologist ng senadora na si Dr. Rodolfo Chuanico ng East Avenue Medical Center, na nagkaroon ng blood clot sa mata ang mambabatas na senyales ng mild stroke.
Ikinalungkot naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang nangyaring ito kay Senador Santiago
Aniya, ayaw na niyang patulan ang mga akusasyon ng senador ngunit patuloy ito sa pambabatikos sa kanya
“Wala akong magagawa dahil hindi na nga ako umiimik eh para tumigil siya pero di naman siya tumitigil. Ako naman ayoko naman makipagdebate sa kanya dahil natatakot ako sa utak niya so I’m sorry that she has to suffer that kind of pressure so I will pray for her.
Bukod dito nakahanda ring humarap si Enrile sa anumang forum upang tindigan na tama ang ginawa niyang pagbibigay ng additional mooe sa mga kapwa senador.
Ani Enrile, “Ako tumatahimik, ginawa ko yung ginawa ko kung mayroon silang isampa na kaso, eh isampa na nila para matapos.” (Bryan De Paz & Ruth Navales, UNTV News)














