Published On: Thu, Aug 2nd, 2012

DPWH, Naglatag ng 3 Solusyon Para Huwag Nang Bahain ang Roxas Blvd.

 

Manila, Philippines – Hindi na itutuloy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang plano sanang pagpapataas ng sea wall sa Manila Bay dahil matatakpan umano nito ang magandang view ng prestihiyosong Manila Bay Sunset.

Bilang kapalit, maraming plano ang binabalangkas ng kagawaran para hindi na maulit ang naging pagbaha sa kahabaan ng Roxas Blvd.

Ayon kay DPWH-NCR Director Rey Tagudando, bukod sa breakwater na plano nilang idagdag sa nauna ng mga pang-harang ng alon sa Manila Bay, plano ring lagyan ng retention tank na may pumping station ang ilalim ng service road ng Roxas Boulevard na magsisilbing reservoir o imbakan ng tubig kung malakas ang buhos ng tubig dala ng pag-apaw ng alon mula sa seawall.

Dagdag pa rito, nakalinya rin ang paglalagay ng flood gates sa drainage ng kalsada.

Ayon kay Tagudando, plano ng kagawaran na agarang maipatupad ang tatlo.

“I-se-survey namin i-pre-prepare namin ang plano, igagawa namin ng programa, iihingi namin ng pondo para maimplement agad.”

Bukod pa sa mga nabanggit na plano, pinag-aaralan na rin sa ngayon ang segment elevation sa ilang bahagi ng Roxas Blvd. Ayon sa opisyal, mas akma itong gawin sa gawi ng Quirino Avenue at US Embassy bagama’t hindi pa ito pinal at kailangan pa ng masusing pag-aaral.

Sa mga nasabing plano, pinaka-urgent sa ngayon ang extension ng break water at ang pagpapasara sa butas na bahagi ng Manila Bay seawall.

Paliwanag ni Tagudando, bukas ang bahagi ng sea wall dahil sa pakiusap ng city goverment ng Maynila upang madaanan ng dump trucks na nangongolekta ng mga inanod na basura.

Bukas naman si Manila City Administrator Jesus Marzan sa panukalang isara ang butas. Pag-aaralan na rin aniya ang iba pang maaaring paraan para makolekta ang mga basura na inaanod mula sa laot. (Ito ang Balita ni Francis Rivera/Ruth Navales, UNTV News)