DOLE, Ipaglalaban ang Fixed Salary para sa mga Bus Driver at Kunduktor
MANILA, Philippines — Handa pa ring ipatupad ng Department of Labor and Employment ang Department Order 118-12 na naglalayong mabigyan ng buwanang sweldo ang mga driver at kunduktor ng bus sa Metro Manila.
Ito ay matapos magbaba ng status quo ante order ang Korte Suprema kahapon, Hulyo 11.
Handa rin ang Kagawaran na magbigay ng paliwanag ukol sa pagnanasa nitong maisakatuparan ang fixed salary scheme sa mga bus driver at kunduktor.
Ayon kay Nicon Fameronag, Director ng Labor Communications Office ng DOLE, layon ng kanilang pagsuporta ay upang mabigyan ng nararapat na benepisyo ang mga drayber at kundoktor, gayundin upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga pasahero.
Suportado naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang panukala ng DOLE ukol sa fixed monthly salary ng mga bus drivers.
Sa kasalukuyan, may 800 bus units na ang kumuha ng Compliance of Certificate para sa ipatutupad na buwanang sahod sa mga drayber at kundoktor.
Magugunitang ipinatigil ng Korte Suprema kahapon, Hulyo 11, ang pagbibigay ng buwanang sahod sa mga bus driver at kundoktor. Ito ay matapos maghain ng petisyon ang ilang mga bus operator sa pagsabing labag sa Konstitusyon ang ginawang pagtatakda ng DOLE ng fixed salary ng mga drayber at kunduktor. (Ito Ang Balita ni Joshua Antonio / Marje Navarro, UNTV News)














Recent Comments