Published On: Fri, Sep 7th, 2012

DOJ Employee na Nahuli sa Tangkang Extortion, Sinuspinde na

Isang DOJ employee na si “Louie” na umano’y isa sa mga sangkot sa isang kaso ng case fixing. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Mismong si Secretary Leila De Lima ang nag-utos ng entrapment operation laban sa isang tauhan ng Department of Justice (DOJ) na suspek sa tangkang extortion o pangingikil ng P250,000 sa isang ramp model kapalit ang paborableng desisyon sa kaso.

“Nang-gagalaiti ako diyan. Sabi ko, if I need to do the entrapment myself for others, I will do that. Naghihintay lang ako ng complainant,” pahayag ni Justice Secretary Leila De Lima.

Lalo pang ikinagalit ng kalihim nang malaman na sa loob mismo ng DOJ building isinagawa ang pangingikil matapos magsumbong sa kaniya ang biktima.

Sa ngayon, suspendido na sa trabaho ang suspek na si Mutya Santiago, administrative assistant ng isang senior deputy state prosecutor.

Nasampahan na rin ito ng kasong robbery extortion sa Manila Prosecutors Office ngunit pansamantalang nakalalaya matapos mag-piyansa ng isang-daang libong pisong cash.

Patuloy namang inaalam ang partisipasyon ng isang alyas “Louie” sa insidente na base sa pahayag ng biktima ay siyang nangungulit tungkol sa hinihinging pera.

Sa kabila ng pangyayaring ito, tiniyak ni De Lima na tutuldukan niya ang case fixing sa DOJ.

“Whether or not it’s rampant or isolated, I want that stopped altogether absolutely. I will run after kung sino pa diyan na mga involved sa ganyang anomalous activities.” (Bernard Dadis/Ruth Navales, UNTV News)