DOH, Nanawagan ng Konkretong Health Plan sa LGUs; Health Workers, Huwag Gamitin sa Pulitika
MANILA, Philippines – Hinikayat ng Department of Health ang lahat ng Local Government Units na bumuo ng sariling health plan upang matugunan ang problemang pangkalusugan sa kanikanilang mga nasasakupan.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Eric Tayag, sa pamamagitan ng health plan na isusumite sa DOH ay mas madali nilang matutugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng bawat barangay, munisipalidad, lalawigan at rehiyon.
“Ang gusto naman planuhin ng bawat bayan kung ano ang pangangailangan nila. Sa planong iyon, ipakita sa amin at iyon makikipagugnayan kami sa Philippine Medical Association sapagkat sila yung pinagkukunan namin ng mga doctor na maaring magsilbi kaagad,” pahayag ni Tayag.
Dapat din aniyang paglaanan ng pondo ng mga local government unit ang kanilang mga health facility upang maka engganyo ng mga doktor na magsisilbi sa kanilang lugar.
Ayon kay Dr. Tayag ilan sa mga dahilan kung bakit walang doktor sa ilang bayan ay ang isyu ng peace and order, kawalan ng gamit at pasilidad, at isyu ng pulitika.
“Kasi sa ngayon po hindi lang uubra na ang dala ng doctor ay stetoscope kailangan ho may suporta sa kaniyang pinagtatrabahuan,” dagdag pa ng doctor.
Nanawagan din ang DOH sa mga pulitiko ngayong nalalapit na ang halalan na huwag gamitin sa pulitika ang mga health worker ng DOH.
“Ang kinakatakot pa namin ngayon dahil mageeleksiyon na naman baka mauwi yung mga doctor na ginawa namin ng paraan na madala doon sa doctor less barrios na taga silbi lang sa medical mission ay hindi po yun ang misyon nila,” paalala ni Dr. Tayag. (Louell Requilman/Marje Navarro, UNTV News)














Recent Comments