Published On: Thu, Aug 16th, 2012

DOH, Nababahala sa Tumataas na Bilang ng Dengue Cases sa Bansa; Publiko Higit na Pinagiingat

Manila, Philippines - Nagsisiksikan na sa mga ospital ang mga pasyenteng dinapuan ng sakit na dengue.

Dahil dito, muling nananawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran upang huwag nang madagdagan ang mga biktima ng naturang sakit.

Ayon sa DOH, tumataas ang bilang ng kaso ng dengue tuwing buwan ng Agosto at Setyembre dahil sa mga pag-ulan.

Ayon sa pinakahuling datos ng DOH, nasa mahigit 60,000 na ang naitalang kaso ng dengue at may mahigit 300 na ang namamatay. Ito ay 80% mataas sa kaso na naitala sa parehong panahon ng nakaraang taon.

Sa National Childrens Hospital, umabot ng mahigit 90 ang bilang ng mga dengue cases noong nakaraang taon, mas mataas ng tatlong beses sa karaniwang kaso na naitatala sa naturang ospital.

Dalawang anak ni Aling Loreta ang tinamaan ng sakit na dengue

“Nilalagnat silang dalawa. Mahirap din, masakit. atleast naagapan din,” pahayag ni Loreta Hirella, ina ng dalawang bata na maysakit na dengue.

Ang mga anak naman ni Aling Evangeline ay papagaling na at anumang araw ay maaari nang makauwi.

“Kinakabahan po ako bilang magulang. Nandun po ang pagaalala na ma isalba po ang buhay nya sa lahat ng aming makakaya,” pahayag ni Evangeline Marquez, ina ng isang batang pagaling na sa dengue.

Pinangangambahan naman ng mga doktor na tataas pa ito sa mga darating na araw

“From january to june usually nag aaverage lang kami ng 30 to 40 dengue cases a month pero pagdating ng july umabot na kami ng 93,” pahayag ni Dr. Antonio Camacho Jr, isang medical specialist sa NCH.

Kaya nagbigay ng payo ang DOH sa publiko upang maiwasan ang naturang sakit.

“Napaka importante na inaapela natin sa mga tao na when they clean, kasi ngayon ang oras ng paglilinis, when they clean their surroundings and area, just make sure na wala talagang containers na may clean and stagnant waters kasi ito talaga yung gusto nila ito yung panahon ng pagdami ng lamok,” pahayag ni Dr. Lyndon Lee Suy, program manager ng Emerging and Re-Emerging Infectious Disease ng NCH. (Ito Ang Balita ni Mon Jocson/Marje Navarro, UNTV News)