Disbarment ng Abogadong Tumulong Umano Sa Paglabas Sa Bansa Ng Magkapatid Na Reyes, Iginit Ng Pamilya Ortega
MANILA, Philippines — Nais ng pamilya ni Doc Gerry Ortega na matanggalan ng lisensiya ang abogadong tumulong umano sa pagtakas palabas ng bansa nina dating Palawan Governor Mario Joel Reyes at Coron Palawan Mayor Mario Reyes Jr.
Isang disbarment complaint ang inihain sa Korte Suprema ng anak ni Doc Gerry na si Mika Ortega laban kay Attorney Hermie Aban dahil sa paglabag sa Rule 138 ng Rules of Court at Code of Professional Responsibility.
Ito ay dahil sa paglilihim ni Aban sa kinaroroonan ng magkapatid na Reyes sa kabila nang may warrant of arrest at hold departure order na inilabas ang Korte laban sa mga ito.
Ayon sa pamilya Ortega, hindi karapat-dapat na manatiling abogado si Aban dahil sa kawalan nito ng respeto sa batas at sa mga Korte.
“Bilang isang tao na bound to uphold the law, dapat sana sinasabi niya nga doon sa honorable presiding judge na alam niya kung nasaan itong si Ex-Governor Joel Reyes at saka si Mayor Mario Reyes. Imposibleng hindi niya alam dahil nandun sa same flight,” pahayag ni Mica Ortega, anak ni Doc Gerry.
Sinasabing katabi pa umano ni Aban sa upuan sa eroplano ang magkapatid na Reyes sa biyahe patungong Vietnam noong March 18, 2012.
Nakasaad din sa complaint ng pamilya Ortega na kinumpirma ng Vietnam immigration office na magkakasabay na dumating sa Ho Chi Minh City si Aban at ang magkapatid na Reyes.
Ayon pa sa pamilya Ortega, ang ginawa ni Aban ay hindi lamang malaking paglabag sa kanyang sinumpaan tungkulin bilang isang abogado kundi isa ring obstruction of justice.
Ang magkapatid na Reyes ay mga pangunahing suspek sa pagkakapaslang kay Doc Gerry noong January 2011 samantalang si Aban ay abogado ng isang Arturo “Nonoy” Regalado na isa ring suspek sa krimen. (Roderick Mendoza/Marje Navarro, UNTV News)















Recent Comments