Published On: Tue, Jul 10th, 2012

DILG Sec. Robredo, itinanggi na may nangyayari nang negosasyon sa mga may hawak kay Baker Atyani

Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines – Diretsahang itinanggi ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang naunang lumabas na ulat na nakikipag-negosasyon na ang pamahalaan para mapalaya ang grupo ng Jordanian Journalist na si Baker Abdulla Atyani mula sa kamay ng Abu Sayyaf.

Ayon sa kalihim, hawak pa rin ng bandidong grupo sina Atyani hanggang ngayon.

Magugunitang noong Hunyo 12 nang mawala ang Jordanian journalist kasama ang dalawang pilipinong TV crew na sina Rolando Letrero at Ramelita Vela.

“Ang pinaka sitwasyon po doon para bang stalemate. Hindi naman siya kaaway nung nagbihag sa kanya kasi nga po may naunang usapan na mag-iinterview sila, may kausap sila. Pero hindi naman ho sya binibitawan, hindi sya pinapakawalan”

Iimbitahan rin ng mga otoridad ang kontak ni Atyani sa Pilipinas na siyang nag-ayos ng interview sa pagitan ng dayuhang mamamahayag at sa bandidong grupo.

“They should also be made to explain. Lumalabas ho rito nakikipag usap sila sa mga kaaway ng pamahalaan. When I say kaaway ng pamahalaan, kaaway na criminal, hindi po pulitika. Kaya palagay ko po pagkatapos lang na matuldukan yung kaso, tatawagin lahat at hihingan po sila ng kanilang panig.”

Kasama rin sa plano ng pamahalaan na mas lalong paigtingin ang pagpapatupad ng security measures sa pagpasok ng mga dayuhang mamahayag sa bansa.

“They will be doing this at their own risk at palagay ko po ‘pag nalaman po namin kailangan po namin sya pigilan. Ang sitwasyon dito ginagalang natin ang laya ng media na gawin yung kanyang kailangang gawin, pero kung ikahihiya ito ng bansa dahil hindi nya ho sinusunod ang usapan at security protocol dito pigilan natin sya dahil pag may nangyari sa kanya kahit kasalanan niya… sagutin ng gobyerno,” ani Robredo. (Ito ang Balita ni Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)