Published On: Thu, Sep 20th, 2012

DepED, Tiniyak na Walang Jueteng sa mga Public School

FILE PHOTO: Isang flag ceremony sa isang mababang paaralan sa General Santos City. (PHOTOVILLE International / Ritchie Tongo)

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng pamunuan ng Department of Education (DepED) na may nagaganap na operasyon ng jueteng sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Ayon kay Education Assistant Secretary Tonisto Umali, malabong magkaroon ng operasyon ng jueteng sa loob ng eskwelahan dahil hindi ito pahihintulutan ng mga school official.

Sa kabila nito, humingi na rin ng tulong ang DepED sa mga magulang at estudyante na huwag matakot na ipag-bigay alam sa kanilang tanggapan kung may nalalamang ganitong kalakaran sa kanilang paaralan.

Bunsod ito ng natanggap na impormasyon ni Asec. Umali na apat na eskwelahan sa Central Luzon at isa sa Metro Manila ang mayroon umanong jueteng.

Ayon kay Umali, kapag nalaman nila ang pangalan ng eskwelahan ay kaagad nila itong paiimbestigahan.

Sakali namang mapatunayan na may alam ang punong guro o kahit sinomang guro sa operasyong ito sa kanilang eskwelahan ay maaari silang matanggal sa serbisyo.

Paulit-ulit namang sinasabi at tinitiyak ng DepED na walang operasyon ng jueteng sa mga pampublikong paaralan. (Joshua Antonio/Ruth Navales, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>