DepED, nagbabala sa mga eskwelahang maniningil ng graduation fees

FILE IMAGE: Graduation sa isang batch ng high school (UNTV News)
MANILA, Philippines – Bagama’t ipinagbabawal na ng Department of Education (DepED) sa mga paaralan na mangolekta ng graduation fees, marami pa ring natatanggap na reklamo ang kagawaran ukol dito.
Batay sa DeTXT Action Center ng DepEd, umabot na sa 200 reklamo hinggil sa pangongolekta ng graduation fees ang kanilang natanggap.
Sinabi ni DepED Assistant Secretary Tonisito Umali na karamihan sa mga eskwelahan na inirereklamo ay mula sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon)
Hinihingan umano ang mga estudyante ng graduation fee na umaabot ng P150 hanggang P600 bawat isang estudyante.
Muli namang pinaalalahanan ng DepED ang mahigit 40- libong public schools sa bansa na gawing simple at hindi magarbo ang mga graduation rites sang-ayon sa nakasaad sa DepED Order No. 8 Series of 2005.
Ayon sa kagawaran, hindi kailangang umupa ng malalaking venue dahil maaaring gamitin ang mga malalaking pampublikong lugar sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Ayon pa sa kagawaran, hindi pinapayagan ang mga eskwelahan na pagsuutin ng mga mamahaling graduation attire ang mga estudyante.
Hinihikayat rin ng DepED ang mga pampublikong paaralan na gawing simple ngunit makahulugan ang graduation exercise.
Ang mga reklamo sa DeTXT Action Center ay ipinaparating sa mga regional at division office ng DepED upang imbestigahan at aksyunan.
Para sa mga may reklamo o sumbong, maaaring tumawag sa mga numerong 636-1663 at 633-1942. (Mon Jocson & Ruth Navales, UNTV News)













