Published On: Tue, Jul 3rd, 2012

De Lima, naniniwalang isa siyang “strong alternative” sa mga nominado sa pagka-Chief Justice

FILE PHOTO: (L-R) DSWD Sec. Dinky Soliman, Department of Justice Sec. Leila De Lima and President Benigno Aquino III (UNTV News)

MANILA, Philippines — Bagamat naniniwala si Justice Secretary Leila De Lima na mas nakalalamang ang mga incumbent justice ng Supreme Court bilang mga nominado sa pagiging chief justice dahil sa karanasan nito sa takbo ng hudikatura,  tinanggap pa rin nito ang nominasyon sa kanya sa Judicial and Bar Council.

Ayon mismo sa kalihim, ito ay upang makapagbigay ng alternatibo sa mga pagpipilian ng bagong punong mahistrado ng Korte Suprema.

“I thought I could offer myself as a strong and acceptable alternative to the insiders who I believe have the edge because of their experience as jurist, experience in the judiciary.”

Ayon pa kay De Lima, handa na rin siyang humarap sa JBC upang mabusisi ang kanyang kwalipikasyon.

Hindi rin daw dapat ituring na ground ang kanyang disbarment case upang ma-disqualify siya bilang nominee.

“Ang nasa rules, regular administrative case or criminal cases, sa pagkakaalam ko wala naman akong criminal case, tapos yung mga disbarment complaints na yan I don’t think if they have ripened into regular administrative cases,” ani De Lima.

Nanggaling din aniya siya sa Commission on Human Rights na isang independent body kung kaya’t hindi rin dapat pagdudahan ang kanyang independence kahit pa kilala siyang malapit kay Pangulong Aquino.

“I’m in the cabinet, I’m an alter-ego, but it doesn’t mean that I cannot be independent when I join another independent institution as the SC. To exhibit sense of independence is in the character of the person,” dagdag pa ng DOJ Secretary.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, walang assurance mula kay Pangulong Aquino na suportado nito ang pagtanggap ni De Lima sa kanyang nominasyon.

“Certainly, ang sinabi lang ni Pangulo is kung anu ang desisyon mo, rerespetuhin ko and so there is no assurance here”

Agad namang nilinaw ni De Lima na pagpapakita lamang ng kortesiya sa Pangulo ang pagkonsulta niya rito bago niya opisyal na tanggapin ang nominasyon sa kanya.

Ayon pa sa Kalihim ng Hustisya, nakapag-desisyon na siyang tanggapin ang nominasyon bago pa man niya nakausap ang Pangulo noong Biyernes.

“Kailangan ko talagang magpaaalam dahil nasa cabinet ako eh. Hindi na lang basta ako mag-accept ng nomination na hindi ko man lang siya nakausap, humingi ako ng permiso”. (Ito Ang Balita ni Dave Tirao / Ruth Navales, UNTV News)