Published On: Sat, Jul 14th, 2012

Connor Boss, Tuloy ang Pagsabak sa 2012 Miss Florida USA Pageant sa Kabila ng Pagiging Bulag

Miss Connor Boss / Image credit: MissFloridaUsa.com

Nais patunayan ng isang 18 taong gulang na bulag mula pagkabata na ang kapansanan ay hindi hadlang upang mangarap at mamuhay ng normal. Si Connor Boss, isang college student at may sakit na Stargardts disease, ang kabilang ngayon sa mga naggagandahang kandidata ng 2012 Miss Florida U.S.A. pageant.

Ayon kay Traci Boss, ina ni Connor, walong taong gulang pa lamang ang kanyang anak ng magsimulang lumabo ang kanyang paningin. Hindi umano kinayang maituwid ng special glasses mga mata ng dalaga. Dahil dito, bata pa lamang ay nakaranas na ng matinding hirap sa pag-aaral lalo na sa pagbabasa si Connor. Subalit hindi aniya napahina ng kondisyon ang kalooban ng anak kundi lalo pa itong tumatag upang tuparin ang kanyang mga pangarap.

Matagal ng hilig ni Boss ang pagsali sa mga beauty pageant . Katunayan ay naka-11 patimpalak na ito kung saan lima rito ang napagwagian niya. Nakuha rin nito ang pangalawang pwesto sa titulong Miss Florida Teen USA sa kabila nang pagkakadapa nito sa hagdan sa swimsuits competition.

Ayon pa sa ina ni Connor, hindi umano ito humihingi ng simpatiya o pagboto sa darating na Miss Florida USA kundi ibig lamang nitong patunayan na ang lahat ay kaya niya ring magawa gaya ng isang normal na tao.

“She doesn’t want to be judged on that. She doesn’t want a sympathy vote or a pity vote. She wants to show people that she could do what anyone else does,” pahayag ng ina ni Connor.

Ayon naman sa Pageant Director na si Marylou Gravitte, hindi rin umano tatanggap ng special treatment si Boss sa mga hurado. Marami na rin naman aniya ang sumali sa patimpalak na may disabilities gaya ng speech impediment at hearing impairment.

Gayunman ay naniniwala ang ina ni Boss na ang istorya ng kaniyang anak ay magiging magandang inspirasyon sa mga kagaya niya na sinisikap abutin ang pangarap sa kabila ng kapansanan. (UNTV News)

Miss Connor Boss / Image credit: MissFloridaUsa.com