Published On: Tue, Jul 3rd, 2012

Composition ng JBC, ipinadedeklarang unconstitutional ni dating Solicitor General Frank Chavez; Pagpili ng bagong Chief Justice, pinapipigil sa Korte Suprema

Si former Solicitor General Frank Chavez (center) sa kanyang paghahain ng petisyon sa Supreme Court nitong Lunes, Hulyo 02, 2012. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Attorney Frank Chavez upang kwestiyunin ang kasalukuyang composition ng Judicial and Bar Council (JBC).

Ayon kay Chavez, labag sa konstitusyon ng bansa ang pagkakaroon ng walong miyembro ng JBC.

Nakasaad aniya sa Section 8, Paragraph 1 ng Article 8 ng constitution, na pito lamang ang itinatakdang miyembro ng konseho at isa lamang kinatawan mula sa kongreso.

Mula 1987 hanggang 1994, isa lamang ang representative ng kongreso sa JBC, naging dalawa ito na may tig-kalahating boto mula 1994 hanggang 2001, at mula 2001 hanggang sa kasalukuyan, naging dalawa ang kinatawan ng kongreso sa konseho na may-tig-isang boto.

“Congress should also be represented by one, otherwise, dalawa ang nasa Kongreso, tag-iisa ang two other branches of government, and that’s where the imbalance lies,” ani former Solicitor General Frank Chavez.

Dahil dito nais ni Chavez na ideklara ng Korte Suprema na “null and void” ang kasalukuyang komposisyon ng JBC dahil sa pagiging unconstitutional nito.

Nais din nito na maglabas ng Temporary Restraining Order ang Kataas-taasang Hukuman upang pigilin ang buong proseso ng pagpili ng bagong chief justice habang parehong nakaupo bilang ex-officio members sina Escudero at Tupas.

Umaasa si Chavez na mareresolba ng Korte Suprema ang kanyang petisyon bago magtapos ang siyamnapung araw na palugit upang makapagtalaga si Pangulong Aquino ng bagong chief justice.

“They cannot just ignore the petition. This is a petition of extreme public importance dahil inaantay ng taumbayan ang desisyon ng Korte Suprema dahil ito ang magpapakita kung tama ang composition ng JBC.”

Kaugnay nang pagsasampa ng petisyon ay tinanggihan na ni Chavez ang nominasyon sa kanya sa pagka-chief justice.

Giit nito na kung sa nakalipas na mga taon ay pinayagan ang maling sistema, panahon na upang itama ito.

Ang tunay na reporma aniya sa Hudikatura ay dapat magsimula sa JBC dahil ito ang namimili ng mga huwes at mahistrado, magmula sa pinakamababang korte hanggang sa Kataas-taasang Hukuman ng bansa.

“I cannot submit myself to the jurisdiction and to the proceedings of a body whose composition is unconstitutional. Otherwise, I would be validating the same error, defect that has been followed all these years,” pahayag pa ni Atty. Frank Chavez. (Ito Ang Balita ni Bernard Dadis / Ruth Navales, UNTV News)