Published On: Thu, Jul 12th, 2012

Bus Rapid Transit sa Kahabaan ng Edsa, Pinaplano na ng MMDA

FILE PHOTO: Isa sa mga sososulusyunan ng “Bus Rapid Transit” na pinaplano ng MMDA ay ang masikip na trapiko sa Kamaynilaan. (UNTV News)

MAKATI CITY, Philippines – Inumpisahan na ng Metropolitan Manila Development Authority (Metropolitan Manila Development Authority ) ang paggawa ng plano hinggil sa paglalagay ng isang “Bus Rapid Transit” sa kahabaan ng EDSA.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ang Bus Rapid Transit ay isang sistema ng transportasyon na kasalukuyan na ring ginagamit sa ibang bansa tulad ng Amerika, Europa at Australia, kung saan magkakaroon ng schedule ng biyahe at kaunting pagbabago sa kasalukuyang istraktura o itsura ng bus.

“Yung small group of operators, tuloy kaming magkaroon ng konsultasyon para mag-form ng isang consortium. Mabawasan yung number ng buses voluntarily para makabuo ng isang bus rapid transit system sa Edsa.”

Sa kasalukuyan ay umaabot sa mahigit labing limang libo ang mga naka-rehistrong pampasaherong bus sa buong Metro Manila, bukod pa rito ang pitong libong mga provincial bus.

Sinabi pa ni Chairman Tolentino na kung maipatutupad ang Bus Rapid Transit ay mapabibilis ang biyahe ng mga commuter dahil mababawasan na ang mga stop over sa Edsa.Hindi rin aniya dapat maging problema ng mga bus operator ang sistemang ito dahil maaaring mag-merge o magsama-sama ang mga kumpanya at maghati sa kita ng itatayong korporasyon.

Isa sa pinag-aaralan ng MMDA para sa pilot testing ng sistemang ito ang rutang North Avenue Edsa hanggang Mall of Asia sa Pasay City na tinatayang tatakbo ng 17 kilometro.

Sang-ayon naman ang ilang bus operator sa naturang panukala at nakahanda silang makipagtulungan para masolusyunan ang matagal nang problema sa trapiko sa Edsa.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 6 na malalaking kumpanya ng bus ang sumang-ayon sa Bus Rapid Transit at inaasahang madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw. (Ito ang Balita ni Mon Jocson/Ruth Navales, UNTV News)