Bureau of Quarantine, naka-alerto na sa NAIA terminals sa posibleng pagpasok ng EV71 sa bansa

Si Jennifer Bal-ot, isa sa mga nurse on duty sa NAIA Terminal 1 na nagbabantay sa pamamagitan ng isang thermal scanner kung sino sa mga pasahero na papasok sa airport mula sa iba’t-ibang lugar ang may mataas na temperatura na isa sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng Enterovirus 71. (UNTV News)
PASAY CITY, Philippines – Nakaalerto na sa lahat ng international airport sa buong bansa ang Bureau of Quarantine upang maingatang huwag makapasok sa bansa ang nakamamatay na sakit mula sa Cambodia.
Sa Ninoy Aquino International Airport terminals, pinadaraan sa thermal scanner ang bawat pasahero mula sa ibang bansa upang makita kung may lagnat ito.
Ayon kay Quarantine Management Officer on Duty na si Dr. Ali Gama, hindi lamang sa mga pasaherong mula sa Cambodia nakatuon ang kanilang pansin kundi maging sa mga manggagaling sa karating bansa nito gaya ng Thailand.
“Actually, tatlo ang scanner natin dito. Lahat strategically located. Yung parating na pasahero kita agad sa scanner, ganon din sa kabila strategically positioned yan”
Ayon sa Bureau of Quarantine, kabilang sa mga sintomas ng emerging diseases ang pagtaas ng temperatura ng katawan ng tao.
Kapag lumagpas na sa 36.5 degrees celcius ang temperatura ng isang pasahero agad itong ihihiwalay upang idaan sa screening at medical procedure.
May nakahanda namang protective equipment ang medical staff ng Bureau of Quarantine upang maiwasan na mahawa ang mga ito sakaling kakitaan ng sintomas ng sakit ang isang pasahero.
“For our own protection din po ito. Bale ginagamit po natin itong PPE ‘pag mag-tatransport po tayo ng suspicious o positive po siya sa binabantayan nating disease,” pahayag ni Jennifer Bal-ot, nurse on duty sa NAIA Terminal 1.
Sa Pilipinas, tanging ang San Lazaro Hospital at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) lamang ang pinagdadalhan ng pasyenteng kinakikitaan ng emerging diseases o mga bagong naglalabasang sakit.
Samantala, hinihintay na lamang ng Bureau of Quarantine ang strain ng nakamamatay na sakit para mas mapadali ang screening ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport. (Ito ang Balita ni Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments